Lider ng ‘Brondial robbery group,’ 8 galamay timbog
MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City Police ang lider at walong tauhan ng big time robbery-hold-up syndicate sa isinagawang operasyon, kahapon ng umaga.
Iniharap kina Pasay City Mayor Antonio Ca-lixto at Chief Supt. Henry Ranola Jr., district director ng Southern Police District Office (SPDO) ang mga suspek na kinilalang sina Jeric Brondial,18, lider ng ‘Brondial Robbery Group’, mga miyembrong sina Jordan Arcaina, alyas Dan, 19; Earl Jhon De Mesa; Ryan Cabal, 20; Isagani Vergara, alyas Jay 23; Raul Natayan, alyas Buknoy, 19; Carlo Resureccion, 27; Cristine Joyce Cayetano, 24, dalaga, at Narissa Farro, 21.
Ayon sa isinumiteng report ni Senior Supt. Joel Doria, hepe ng Pasay City Police, alas-6:34 ng umaga nang maaresto ang mga suspek sa isinagawang operasyon sa Filinvest West, Tanza, Cavite.
Nabatid kay Doria, nakatanggap sila ng impormasyon, na si Brondial ay namataan sa nasabing lugar hanggang sa magsagawa ng operation ang pinagsanib na puwersa ng Station Anti-Drugs, Special Operation Task Group (SAID-SOTG), Station Intelligence Unit at Station Investigation and Detective Management Branch (SIU-SIDMB) ng Pasay City Police,
Naunang nadakip si Brondial sa bisa ng warrant of arrest, na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court Judge Caridad Grecia-Cuerdo, ng Branch 113 dahil sa kasong robbery-hold-up, gun for hire, pagtutulak ng droga at carnapping.
Matapos maaresto si Brondial ay isa-isa na nitong itinuro ang kanyang grupo hanggang sa madakip ang mga ito.
Sa record pa rin ng pulisya, nabatid na ang isa sa nadakip na si Natayan ay may naka-pending na warrant of arrest na inisyu ni Pasay City RTC Judge Petronilo Seulla Jr., ng Branch 111 at miyembro ito ng Morris Castillo Robbery Holdup Gang.
Nabatid na habang inaaresto ang mga suspek, tinangkang manlaban ng mga ito, subalit naging alisto ang mga pulis at hindi na nakapalag pa.
Nakumpiska sa mga nadakip ang isang kalibre 38 baril, kalibre .40, kalibre .45 pistol at isang kalibre 22 at ibat ibang uri ng bala.
Bukod pa dito nakuha din sa mga suspek ang sampung gramo ng shabu, apat na helmet, 21 pirasong ibat ibang uri ng bag pack, 12 pirasong cellphone, 7 pirasong hard drives, 52 pirasong portable chargers at 13 pirasong identification cards (IDs).
Nabatid na si Brondial ay nasa top 6 most wanted habang si Natayan ay nasa number 2 most wanted sa Pasay City.
Ilang complainant na ang lumutang sa Pasay City Police upang idiin ang mga suspek na ito ang nambiktima sa kanila.
Nabatid, na kasong robbery holdup, illegal possession of firearms at paglabag sa RA 9165 o dangerous drugs act ang kinakaharap ng mga ito.
- Latest