Sampaloc Public Market isasailalim din sa rehabilitasyon
MANILA, Philippines - Isasailalim din sa rehabilitasyon ang Sampaloc Public Market sa Maynila sakaling maratipikahan ang joint venture agreement sa pagitan ng city government at private company na XRC.
Sa ginanap na joint public hearing ng Committee on Markets, Hawkers and Slaugtherhouse; Committee on Livelihood at Committee on Laws, layon ng mga ito na maratipikahan ang joint venture upang maisaayos ang Sampaloc Public Market sa panulukan ng Legarda at Bustillos Sts. sa Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Market, Hawkers and Slaugtherhouse committee chairman at Manila 3rd District Councilor Joel Chua tiniyak nito na walang pagtataas ng renta sa loob ng dalawang taon habang 5 hanggang 10 porsiyento lamang ang itataas sa simula ng paniningil at walang goodwill money na papasanin ang mga vendors.
Tiniyak naman ni Councilor Jo Quintos ng 4th District na mas lalaki ang kita ng mga vendor at walang paalising vendors sa kanilang mga lugar.
Gayunman, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapaupa ng stall dahil bibigyan ng certificate ang bawat stall owners.
Apela nina Chua at Quintos na huwag umanong haluan ng pulitika ang rehabilitasyon at ito ay pagpapaunlad ng Maynila dahil mismong ang Manilenyo din ang makikinabang.
Nabatid na apat na palengke ang nakatakdang isailalim sa redevelopment ng XRC. Kabilang dito ang Sta. Ana, San Andres, Trabaho at Sampaloc Market.
Wala namang dumalo na kinatawan o vendor ng Sampaloc Public Market matapos na tanggihan ng mga ito na tanggapin ang notice of invitation ng tatlong komite.
- Latest