Suspect na pumatay sa misis ng DepEd official, kasambahay kinasuhan
MANILA, Philippines - Nahaharap sa kasong 2 counts of murder at carnapping ang manugang na pumatay sa kaniyang biyenan na misis naman ni Department of Education (DepEd) Assistant Regional Director for National Capital Region Dr. Ponciano Menguito, at sa 18-anyos na kasambahay nito, sa Pasig Line, Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa depensa ng suspek na si John Adrian Edquilang, 37, licensed pilot na hindi naman konektado sa anumang airline companies at naninirahan Molave Park, Parañaque City, isang self defense lamang ang kaniyang ginawa kaya napatay niya ang kasambahay na si Jennifer Magtulis, 18, na aniya, ay inatake siya ng kahoy patalikod at nang magpambuno ay naagaw niya at hinataw sa kasambahay na nawalan ng malay.
Mas mabigat na depensa ng suspek sa pagtanggi na siya ang pumatay sa biyenan na si Lucita Menguito, 53, na ayon sa kaniyang paliwanag ay nang puntahan niya sa silid matapos ang pakikipaglaban sa katulong ay nakita niya na lamang na nakahandusay at duguan kaya umalis siya sa loob ng bahay dahil sa katarantahan.
“Sa laki kong ito tapos may dalawang patay, posibleng ako ang pagbintangan, dala-dala ko pa nga ang daughter ko na baby, ” anang suspek.
Sinabi pa ng suspek na ang kasambahay ang maaaring may kagagawan ng pagpatay sa kaniyang biyenan dahil ito ang umatake sa kaniya. May isang buwan pa lamang umano na namamasukan ang kasambahay kaya hindi niya pa ito kilala.
Kahapon ay isinama ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section ang suspek at itinuro nito ang Honda Jazz BLX 08 na sinakyan niya mula sa bahay ng biyenan na iniwan sa panulukan ng Pedro Gil at Penafrancia . Paliwanang niya na nataranta siya nang makita ang susi kaya ito ang ginamit.
Sinabi naman ni MPD-Homicide Section chief, P/Inspector Dennis Javier na may matibay naman silang mga basehan para sa kasong iniharap sa suspek kabilang ang mga footage sa closed circuit television (CCTV) na kanilang hawak na pawang mga taliwas sa pahayag ng suspek o inconsistency sa kuha ng video kumpara sa kaniyang mga sinasabi.
Isasalang din umano sa drug test ang suspek upang matukoy kung gumagamit ito ng iligal na droga.
- Latest