Protesta sa pagtapyas ng budget sa SUCs: UP students nag-walk out sa klase
MANILA, Philippines - Nakiisa sa malawakang kilos protesta ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP) Diliman matapos na mag-walk out ang ilan sa mga ito sa kanilang mga klase, kahapon ng umaga.
Bitbit ang kanilang mga karatula nang pagtutol sa naka-ambang pagbawas ng pondo ng kanilang unibersidad tulad ng “No to 2.28 billion budget cut in UP”, “ Oppose Neoliberal Policies on Education”, “Education not for sale”, “Junk Constly Dorm Fees” at iba pa, nagsagawa ng kilos protesta sa loob ng kanilang unibersidad ang mga mag-aaral.
Ang kilos protesta ay pakikiisa ng mga estudyante ng UP sa iba pang state universities bunga ng pagkadismaya sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino kaugnay sa tuition fee hike.
Ganap na alas-12 ng tanghali nang simulan ng mga estudyante ang walkout na pinangunahan ng mga League of Filipino Student, Kabataan Party-list at iba pa.
Dito ay ipinakita ng mga estudyante ang pagkontra sa planong pagkaltas ng gobyerno sa alokasyon para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa 59 SUCs at sa capital outlay ng may 40 iba pang mga State Universities and Colleges (SUCs) sa 2016 kung saan ang UP ay matatanggalan umano ng P2.2 bilyon pondo na maaari sana umanong magamit pa sa konstruksyon ng mga bagong gusali at pagbili ng iba pang asset.
- Latest