Pasahero ng MRT, inaresto sa ‘bomb joke’
MANILA, Philippines - Laging paalala ng awtoridad na ang pagbibiro na may sasabog na bomba sa mga pampublkong transportasyon ay hindi mabuti, matapos na isang lalaking pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) Station 3 sa Quezon City ang dinala sa himpilan ng pulisya, makaraang arestuhin dahil sa nasabing biro habang aktong nirerekisa ang kanyang dalang bag, ayon sa pulisya kahapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 10, ang dinakip na pasahero ay kinilalang si Patrick Cabrera, 23, binata at residente sa Cavalier St., East Avenue, sa lungsod.
Ayon kay PO1 Mark Jason Gapol, desk offi-cer ng PS-10, si Cabrera ay dinala sa kanilang himpilan base sa reklamo ng pamunuan ng MRT-3 sa pamamagitan ng representante na si Julius Patrick Calpito ng kasong paglabag sa Presidential Degree 1727 o anti-bomb joke law.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nangyari ang insidente sa MRT Quezon Avenue station, Brgy. Pinyahan, Diliman sa lungsod, ganap na alas- 6:45 ng umaga.
Diumano, pasakay si Cabrera sa tren ng MRT kung saan tulad ng maraming pasahero ay dumaan muna ito sa baggage check bago tuluyang makapasok sa loob ng naturang istasyon.
Sinasabing bago simulan ng guwar-dyang si Maida Cariño na buksan ang dalang bag ni Cabrera para inspeksyunin, nagbitaw ng biro ang huli sa pagsasabing “Te’ dahan-dahan lang po, baka sumabog ang bomba.”
Dahil dito, nakaramdam umano ng takot ang guwardiya sa naturang biro sanhi para agad itong tumawag ng back up sa kasamahan upang tuluyang marekisa ang bag ni Cabrera.
Ang resulta, negatibo sa bomba ang bag ni Cabrera at dahil sa kanyang biro ay inaresto siya at dinala sa naturang himpilan para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, sabi ni PO1 Gapol, sa kanilang himpilan ng komprontahin si Cabrera ng representante ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ng MRT ay tanggap nito ang kanyang pagkakamali at napagkasunduang patawan na lamang ang huli ng parusang community service sa MRT station sa loob ng walong oras.
- Latest