Habambuhay hatol sa trader na pumatay sa magkapatid
MANILA, Philippines – Habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol kahapon ng Calamba City Regional Trial Court sa 63-anyos na negosyante kaugnay sa brutal na pagpatay sa magkapatid may 12 taon na ang nakakaraan.
Alas-11:30 ng umaga nang basahan ng hatol sa loob ng court room ng National Bilibid Prison ang akusadong si Joe Ma. Panlilio, na taga Bulacan habang ito ay nakapiit sa NBP sa Muntinlupa dahil sa iba pa nitong kaso.
Base sa 48 pahinang desisyon ni Judge Luis Acosta, ng Calamba RTC, Branch 36, reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol kay Panlilio.
Dahil sa kasong robbery with homicide at walang ring iginawad na pagkakataon na bigyan ito ng parole.
Base sa rekord ng korte, si Panlilio ay siyang itinuturong pumatay sa magkapatid na sina Albert at Ariel De Castro, na itinapon sa Barangay Makiling, Calamba, Laguna noong 2003.
Kung saan nawawala ang dalang pera ng magkapatid, na ninakaw umano ni Panlilio.
Tumagal lamang ng sampung minuto ang pagbasa ng hatol laban kay Panlilio, na kung saan napaiyak sa tuwa ang ina ng magkapatid na si Atty. Carmencita De Castro dahil labing dalawang taon itong nakipaglaban para sa hustisya sa pagkamatay ng kanyang mga anak.
Matatandaan, na nadakip si Panlilio sa bansang Thailand noong 2010 dahil sa paglabag sa Immigration law matapos gumamit ng pekeng pangalan na Fernando Oblasa sa pasaporte nito at ikinulong naman sa NBP matapos unang mahatulan sa ibang kaso nitong estafa sa Mandaluyong City Regional Trial Court.
Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo, pinagbabayad din ng korte ng halagang P100,000 ang akusado bilang danyos perwisyo.
- Latest