5 robbery suspects, arestado
MANILA, Philippines – Limang kalalakihang sangkot sa serye ng robbery/holdup ang nalambat ng mga operatiba ng Quezon City Police District sa magkakahiwalay na insidente sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Supt. Edgardo Tinio, ang mga suspect na sina Joven Valeza, 32; Eric Simbulan, 29; Johnny Ricky Serrano, 32; pawang mga taga Caloocan City; Danreb Villarta, 38; at Bernabe Tayong, 35; mga residente naman sa Batasan Hills, Quezon City.
Ayon kay Tinio, si Valeza ay naaresto sa follow-up operation na ginawa ng mga operatiba ng La Loma Police Station (PS-1), matapos na positibo itong ituro ng isang mangangalakal ng basura na nakakita kung paano niya pinasok ang Tapa King na matatagpuan sa Brgy. Sto Domingo, QC, ganap na alas-7 Linggo ng umaga.
Base sa ulat ng PS1, si Valeza ay dating kawani ng nasabing establisemento at nakatangay ng halagang P85,000.
Narekober mula kay Valeza ang isang cellphone na pag-aari ng Tapa King, cash na halagang P53,550, at isang Rusi motorcycle na ginamit nito bilang getaway vehicle.
Habang sina Simbulan at Serrano naman ay nadakip ng mga operatiba ng Fairview Police Station (PS-5) matapos na makatanggap ng tawag sa telepono buhat sa isang concerned citizen hingil sa presensya ng mga armadong suspect sa kahabaan ng Regalado Avenue sa lungsod.
Dito ay gumagala umano sina Simbulan at Serrano malapit sa sakayan ng mga jeepney kung saan sila nadakip.
Ang suspect na sina Villarta at Tayong naman ay naaresto ng mga operatiba ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) matapos na maispatan ang komosyon sa isang loob ng Everlasting bus na may bihayeng Cubao, habang nagsasagawa ang mga huli ng anti-criminality patrol malapit sa National Kidney Institute sa kahabaan ng East Cubao, alas-10:40 ng gabi.
Nang siyasatin ng tropa ng CIDU ang bus ay saka nila naispatan sina Villarta na may dalang isang patalim habang dalawang pirasong bala naman ng kalibre 38 baril naman ang nakuha kay Tayong. Sabi ni Tinio, maaring sina Villarta at Tayong ay magsasagawa sana ng panghoholdap sa bus, at napigilan lamang nang maispatan ng kanilang mga operatiba.Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspect.
- Latest