300 pamilya nasunugan sa Parañaque
MANILA, Philippines - Nasa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang may 100 kabahayan dahil sa electrical overload sa Parañaque City kamakalawa.
Sa ulat na natanggap ni Parañaque City Fire Marshal Supt. Renato Capuz, alas-5:00 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Aling Sita sa Malugay St., Barangay San Martin De Porres ng nasabing lungsod.
Kumalat ang apoy sa 100 pang kabahayan na pawang gawa lamang sa light materials.
Nahirapan naman ang mga bumberong makapagresponde dahil makitid ang daan. Umabot ng walong oras ang sunog at ala-1 na ng madaling araw nang tuluyang maapula.
Wala namang naiulat na nadisgrasya habang nasa P3 million ang mga ari-ariang napinsala.
Pansamantalang dinala sa gym ng Parañaque City Hall at sa mga barangay hall ang mga nasunugang residente para matuluyan ng mga ito.
- Latest