Motor vs van: 2 utas, 6 sugatan
MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang patay, habang anim katao pa ang sugatan nang magsalpukan ang isang rumaragasang motorsiklo at isang van sa kahabaan ng Mindanao Avenue, lungsod ng Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni P/Senior Insp. Marlon Meman, hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, kinilala ang mga nasawi na sina Hanzallah Domato, 16, ng Tala, Caloocan City at angkas na si Abdul Dagalangit, nasa hustong gulang.
Sugatan naman ang mga sakay ng Starex van na sina Randel John Amante; Bingbong Amante; Alvin Rangel; John Paul Palabay at Karl Vincent Jude Baculina, driver; at Jamal Dave Disumimba, angkas ng motorsiklo na isinugod sa East Avenue Medical Center.
Ayon kay P/Senior Insp. Meman, ang nagsalpukang sasakyan ay isang Euro motorcycle 125 na for registration na minamaneho ni Domato, sakay sina Dagalangit at Disumimba; at isang Starex van (WGM-760) na minamaneho naman ni Baculina, 21, sakay ang apat na pasahero.
Base sa pagsisiyasat ni SPO1 Rabindranath Sierra, may-hawak ng kaso, kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkabilang direksyon ng Mindanao Ave. Extension, nang pagsapit sa Brittany Subdivison sa Bgy. Pasong Putik ay biglang nag-overtake ang motorsiklo dahilan para sumalpok ito sa huli.
Sa sobrang lakas ng pagkakasalpok, kumalas sa kanilang motorsiklo sina Abdul Dagalangit at Disumimba saka tumilapon ng ilang metrong layo habang ang van naman ay umikot pakaliwa saka tumawid sa kabilang direksyon ng kalye, bago humampas sa nakatayong poste sa lugar.
Si Domato na nakaladkad ng may 50 metro ay huminto lamang nang pagsapit sa gutter bago tuluyang maipit sa harap ng bumper ng Starex van.
Kapwa nagtamo ng matin-ding mga injuries sa kanilang mga katawan sina Domato at Dagalangit dahilan upang agad silang masawi sa lugar habang si Disumimba naman na naba-lian ng hita ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital.
Ang driver ng van na si Baculina at apat na sakay nito na nagtamo rin ng mga sugat sa kanilang mga katawan ay isinugod sa East Avenue Medical Center.
Sabi sa ulat, ang mga sakay ng motorsiklo ay galing umano sa drag racing sa Mindanao Ave. Extension at papauwi na nang maganap ang insidente.
Kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple homicide and with multiple physical injuries ang inihahanda ng awtoridad sa naturang insidente.
- Latest