Indian national, timbog sa drug-bust
MANILA, Philippines – Isang Indian national, na umano’y nagbebenta ng party at sex drugs sa ilang club at bars ang naaresto ng operatiba ng Southern Police District Office (SPDO) kung saan nakumpiska dito ang tinatayang nasa P1 milyong halaga ng droga, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Sa report na isinumite ni Supt. Lorenzo Trajano, hepe ng District Anti Illegal Drugs-Special Operation Task Group kay Chief Supt. Henry Ranola Jr., district director ng SPDO, ang suspek ay nakilalang si Prakash Gulraj Mahtani, 57, ng Kamagong, Makati City.
Alas-7:00 ng gabi nang madakip ang dayuhang suspek sa kahabaan ng Pasong Tamo, Makati City sa isinagawang buy-bust operation kung saan nakumpiska dito ang 10 pirasong Valium; Mogadon, isang uri ng anti-anxiety drugs; 30 pirasong Ketamine, isang uri ng injectable drugs; 560 pirasong Xanax; 750 pirasong Nitravet; 700 pirasong Nitrosum; 20 pirasong Cialis; 380 pirasong Zopalet; 150 pirasong Alpraquil; 30 pirasong Bitarin; 80 pirasong Dormicum; 200 pirasong Pinix; 40 pirasong Rivotril; 13 pirasong Ecstacy at 5 stick ng marijuana, na ang kabuuang halaga ay tinatayang nasa P1 million.
Ayon kay Trajano, matagal na nilang tinatrabaho at puntirya ang suspek dahil sa mga report na natatanggap nila hinggil sa pagsu-supply nito ng mga droga sa ilang club at bars sa lungsod ng Makati.
Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Makati City Prosecutor’s Office.
- Latest