‘Tiktik’ tumanggap ng P1.5-M sa PDEA
MANILA, Philippines – Isa na namang impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tumanggap ng cash reward na aabot sa P1.5 milyon dahil sa impormasyong ibinigay nito na nagbunga sa pagkakabuwag ng malaking sindikato ng iligal na droga sa bansa.
Ayon sa PDEA, ang tipster na pinagkalooban ng gantimpala ay itinago sa pangalang Eboy, isang concerned citizen na binigyang pagkakataon ng kagawaran para mapabilang sa tinatawag na Operation Private Eye (OPE).
Ang paggawad ng monitary reward ay ginawa sa PDEA National Headquarters sa Quezon City, sa pamamagitan ng isang maikling seremonya na iginawad ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr.
Si Eboy, ayon sa opisyal, ang nakapagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakabuwag ng isang malaking laboratoryo ng shabu sa Masbate noong February 14, 2015.
Ang pagsalakay sa laboratoryo ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES) at PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng korte sa naturang lalawigan.
Sabi ni Cacdac, ang OPE ay isang citizen-based information collection program ng PDEA, Dangerous Drugs Board (DDB) at mga non-government organizations na kaanib sa nasyunal na kampanya laban sa iligal na droga.
Ang Private Eye Rewards Committee, ay kinabibilangan ng mga miyembro mula sa academe, non-government organizations, law enforcement, religious at business sectors, na nag-apruba ng isang resolusyon para sa gantimpalang P1.5 million sa impormanteng si Eboy.
- Latest