Bago pa ang November deadline Pandacan oil depot baklas na
MANILA, Philippines - Bilang bahagi ng napagkasunduan, unti-unti nang tinatanggal ng tatlong malalaking kompanya ng langis ang kanilang mga storage tank sa Pandacan oil depot.
Kahapon ay personal na binisita nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno ang terminal ng Shell, Chevron (Caltex) at Petron kasama ang kani-kanilang mga opisyal.
Unang tinungo ang Shell na tatlong storage tank na ang natatanggal at 11 storage tank pa ang kailangan na maalis bago ang deadline sa Nobyembre.
Ayon naman sa Chevron, umaabot na sa 40 porsiyento ang nababaklas nila sa kanilang terminal kung saan sa Batangas Terminal naman dinala ang kanilang mga supply.
Tiniyak din ng Chevron na matatapos nila ang pagbabaklas at pag-aalis ng mga pasilidad sa Nobyembre alinsunod sa utos ng Korte Suprema.
Iba naman ang status ng Petron kung saan wala nang mga storage facilities na dapat alisin. Pawang mga plate na lamang nasa terminal na nakatakdang hakutin sa mga susunod na araw.
Dinala na nila ang kanilang mga supply sa Cavite at Navotas.
Sinabi ni Ramon Ang, Chairman at CEO ng Petron Corporation na 100 porsiyento nang nakapag-comply ang Petron sa dismantling ng mga pasilidad kung saan mananatili lamang ang kanilang mga clinic na maaaring gamitin para sa X-ray, ECG at ultrasound sa mga residente sa paligid nito.
Posible ding idevelop ang lugar sa food manufacturing kaya’t kailangan lamang na matiyak na walang matitirang mga gasolina o kemikal sa lugar. Matatandaang limang taon nang inutos ng Korte Suprema ang paglilipat ng ‘Big 3’ kaya’t inaasahang wala na ang mga ito sa Enero 2016.
- Latest