Bahagi ng prototype na tren ng MRT-3, dumating na
MANILA, Philippines – Iniulat kahapon ng pamunuan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na dumating na sa bansa ang mga bahagi ng prototype na tren na gagamitin sa pagpapabuti ng serbisyo sa Metro Rail Transit (MRT-3).
Ayon kay DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, nasunod ang kanilang plano at usapan na ide-deliber ng Dalian Locomotive and Rolling Stock Group ng bansang China ang mga nasabing bagon ng MRT-3.
Ang mga biniling bagong tren na prototype ay idadaan at isasampa muna sa LRT-1 sa Baclaran patungo sa Roosevelt Avenue saka ililipat sa Depo ng MRT-3 sa North Avenue, Quezon City.
Sinabi ni Abaya na isasailalim muna sa masusing pagsusuri ang mga inangkat na tren pero hindi muna gagamitin kapag hindi pumasa sa kanilang validation.
Kung papasa naman sa pagsusuri ay idedeliber nang lahat ang 48 bagon na inaasahang magbibigay ng magandang serbisyo sa halos kalahating milyong pasahero araw-araw ng MRT-3.
Naniniwala si Abaya na maiiwasan na ang pagtirik ng mga tren sa oras na nagagamit na ang mga ito.
Madali umanong imantine ang mga nabanggit na bagon na siyang tanging solusyon sa halos araw-araw na nagaganap na aberya sa MRT-3.
Ang MRT-3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA na nagsisimula sa North Avenue, Quezon City patungo ng Pasay City at vice versa.
- Latest