VP ng TIP, driver natagpuang patay
MANILA, Philippines – Isang mataas na opisyal ng Technological Institute of the Philippines (TIP) at ang driver nito ang nadiskubreng kapwa patay sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) sa isang gasolinahan sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa loob ng Ford Everest (ZKW-384) natagpuan ang mga bangkay nina Reynaldo Chinjen, 66, Vice President for External Affairs ng Technological Institute of the Philippines (TIP) at residente ng Congress Village, Caloocan City at driver na si Claudio Flojo, 64, ng Mariveles St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:00 ng gabi nang madiskubre ng security guard ng Caltex na si Edilberto Eslera, 32, ang dalawang biktima na kapwa hindi gumagalaw sa loob ng nasabing sasakyan na nakahimpil sa tapat ng comfort room ng gasolinahan.
Ipinabatid ito sa nakasasakop na barangay na tumawag na rin sa MPD. Nang buksan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pintuan ng sasakyan ay kumawala ang nakasusulasok na amoy ng kemikal na mahapdi rin sa mata at natunton na nagmula sa likurang bahagi ng sasakyan.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan kung anong volatile substance ang kumalat sa loob ng sasakyan na posibleng dahilan upang ma-suffocate ang dalawa na posibleng ikinawala nila ng malay hanggang sa ikamatay.
Aalamin din kung may foul play sa insidente.
May nakuhang mga bagong damit na pinamili at ilang barbeque sa loob ng sasakyan.
Dinala ang bangkay ng dalawa sa Arch Michael Funeral para sa awtopsiya, habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
- Latest