Malimilitahan na raw ang mahabang pila, aberya: 48 bagong tren ng MRT-3 darating na!
MANILA, Philippines – Inihayag ng pamunuan ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na darating na sa bansa ang 48 bagong tren na gagamitin sa pagpapabuti ng operasyon at serbisyo sa halos kalahating milyong pasahero araw-araw ng Metro Rail Transit (MRT-3).
Ayon kay DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya, kung hindi magkakaroon ng pagbabago ay sa araw ng Sabado (August 15) darating ang 48 bagong prototype na tren na binili sa ibang bansa.
Sinabi ni Abaya, ang nasabing mga tren ay nagkakahalaga ng P3.8 bilyon na binili sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Group sa bansang China.
Aniya, sa sandaling dumating na ang mga bagong tren ay ipapatupad ng MRT-3 ang four-car train system upang matiyak na lahat ng tren ay darating sa mga istasyon tuwing ika-2.5 minuto kung peak hours o rush hour.
Naniniwala si Abaya na ang mga karagdagang tren ang siyang tanging solusyon sa mahabang pila ng mga commuters araw-araw sa mga istasyon ng MRT-3 maging sa madalas na aberya dito. Sa ngayon, ani Abaya ay puspusan ang mga ginagawang pagkukumpuni sa mga barado at sirang CR, escalator, elevator at sirang riles ng MRT-3.
Inihayag pa ni Abaya, sa susunod na buwan ay ipapatupad na nila ang bagong fare collection system at hindi na kailangan pang dumaan sa mahabang pila ang mga pasahero upang makapasok at makasakay lamang ng MRT-3.Anang kalihim, napakahalaga ang ginagawa nilang aksiyon para maresolba ang problema sa MRT-3.
- Latest