Mga opisyal ng barangay, pinabubusisi sa ‘shabu tiangge’ sa Caloocan
MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan na isailalim rin sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Brgy. Tala kabilang ang chairman at mga kagawad sa posibilidad na kaugnayan sa sinalakay na shabu tiangge kamakailan.
Ito ay makaraang makakuha ng video footage ang mga awtoridad na kita ang ilang tao na nakasuot ng uniporme ng barangay tanod na naghahati-hati sa nakapaketeng hinihinalang iligal na droga sa Phase 12 Barangay 188 Tala, ng naturang lungsod.
Bukod sa mga opisyal ng barangay, tututok rin sa imbestigasyon ang binuong Special Task Force sa sinibak na commander ng Police Community Precinct sa naturang barangay at kanyang mga tauhan.
Samantala, tatlo sa 10 bahay na nadiskubreng drug den ang giniba na ng lokal na pamahalaan habang naghihintay pa ng legal na proseso para mademolish ang iba pang bahay na gamit ng sindikato.
Hinikayat naman ni Malapitan ang mga residente ng Caloocan na makipagtulungan sa paglaban sa iligal na droga at sinabing may nakalaan na reward para sa makapagtuturo sa mga talamak na pusher sa kanilang lugar.
Matatandaan na sinalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang naturang lugar nitong nakaraang Miyerkules kung saan 21 katao ang nadakip at nakumpiska ang ilang mga baril at nakaw na motorsiklo.
- Latest