Babaeng Aleman, drinoga ng ‘Ativan gang’, saka ninakawan
MANILA, Philippines - Isang 34-anyos na German national ang natangayan ng salapi at mamahaling gadget matapos idroga ng apat na katao na pinaniniwalaang mga miyembro ng ‘Ativan gang’ sa Ermita, Maynila, ayon sa ulat kahapon.
Alas-12: ng madaling-araw kahapon nang maghain ng reklamo sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section ang biktimang si Ifeoma Cornelia Ebelechukwu Odenigbo, dalaga, nanunuluyan sa Lovely Moon Pension na matatagpuan sa Jorge Bocobo St., Ermita, Maynila laban sa tatlong suspek na nagpakilala sa alyas na Mia, Marc, Annie at isang matandang babae.
Ayon sa biktima habang namamasyal siya sa Rizal Park dakong alas-7:30 ng gabi ay kinaibigan siya nina Marc, Mia at Annie at niyaya na dadalhin siya sa Baclaran market na isa umanong magandang lugar para sa turista. Sumakay sila ng pampasaherong dyip at niyaya naman umano siya na magpalamig sa isang karaoke bar sa Ermita.
Habang kasama na niya ang apat na suspek ay posibleng nilagyan ng droga ang kanyang inumin dahil nakaramdam siya ng hilo at inantok na naramdaman niyang isinakay siya ng taxi.
Nagising na lamang siya kinabukasan na nasa loob na ng kaniyang hotel room at natuklasan na wala na ang Iphone, $200 at 20 CHF Switzerland money.
Matatandaang kamakalawa ay naiulat naman ang pambibiktima sa isang Arab national ng walong kababaihan sa ibang modus kung saan natangay dito ang P45,000 na ibibigay sana ng dayuhan sa kawanggawa.
- Latest