Sa Quezon City at Caloocan carjack: 2 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines – Dalawa ang iniulat na nasawi, habang isa pa ang nasugatan sa magkahiwalay na insidente ng carjacking na naganap sa Quezon City at Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Sa lungsod Quezon, patay ang isang security guard, habang isang Tsinoy pa ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaki sa isang insidente ng holdap at carjack, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Supt. Limuel Obon, hepe ng Quezon City Police District Station 10, ang nasawi ay nakilalang si Aludio Poliran, 52. Habang sugatan naman si Enrico Lim, 38, negosyante.
Dalawang hindi nakikilalang suspect ang responsable sa naturang krimen na sakay ng hindi natukoy na sasakyan at armado ng M-16 rifle baby armalite at .9mm pistola.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Edward Rimando, imbestigador, nangyari ang insidente sa harap ng E-Games shop na matatagpuan sa Quezon Avenue, kanto ng Dr. Garcia Brgy. Paligsahan, ganap na alas- 3:50 ng madaling araw.
Bago ito, kalalabas lamang umano ng biktimang si Lim sa E-games shop kung saan regular customer ito at pasakay ng kanyang kulay puting Toyota Land Cruiser (PEI-116) model 2010 nang biglang sumulpot ang sasakyan ng mga suspect.
Mula dito ay lumabas ang dalawang suspect saka tinutukan ang biktima at sumakay sa sasakyan nito.
Subalit pumalag ang biktima at nagtatakbo papasok muli sa E-games shop kung saan nagbabantay ang security guard na si Poliran.
Nang akmang hahabol ang mga suspect, sinita sila ni Poliran dahilan para paulanan sila ng bala ng mga salarin.
Dead on the spot sa lugar si Poliran habang nagtamo naman ng sugat sa katawan si Lim na agad namang isinugod sa Capitol Medical Center.
Matapos ang pamamaril ay tinangay pa ng mga suspect ang sasakyan ng biktimang si Lim patungo sa hindi mabatid ng direksyon.
Samantala, sa isa pang insidente, utas din ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng riding in tandem na suspect matapos tumanggi ang una na ibigay ang kanyang motorsiklo, kamakalawa sa Caloocan City.
Dead on the spot ang biktimang si Joby Pajarillaga, 27, ng University Drive, Santo Niño Meycauayan, Bulacan sanhi ng tinamong ilang tama ng bala sa likod.
Nakakulong naman sa Caloocan City Police detention ang mga suspek na sina Leo Angelo, 19, at Arnold Buenavides, 23, tricycle driver.
Base sa report na natanggap ni Senior. Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-4:30 ng hapon sa kahabaan ng Bankers Village, Barangay 171, Bagumbong ng naturang
lungsod habang minamaneho ng biktima ang kanyang Suzuki 150 (FP-7667) at habang binabaybay nito ang naturang lugar ay biglang sumulpot ang isa ring motorsiklo lulan ang magkaangkas na suspect.
Tinutukan ng mga ito ng baril ang biktima at pilit na kinukuha ang motorsiklo nito, subalit tumanggi si Pajarillaga na ikinagalit ng mga suspect kung kaya agad itong binaril.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Vicas Congress Villages tangay ang motorsiklo ng biktima.
- Latest