Binata binoga ng parak dahil sa utang na bigas
MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang binata makaraang barilin ng isang pulis dahil sa pagkakautang ng una na kalahating kabang bigas, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Inoobserbahan ngayon sa Quezon City General Hospital nang magtamo ng tama ng bala sa sikmura ang biktimang si Gabriel Cagorol, Jr., 26, ng Muñoz Street, Del Mundo Village, Brgy. 167 Llano, ng naturang lungsod.
Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na inisyal na nakilalang si PO1 Arambolo, kasama ang ama nito.
Sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi nang pasukin ng suspek at ama nito ang bahay ni Cagorol at kinompronta ukol sa hindi nababayarang utang na kalahating sako ng bigas.
Nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa paputukan na ng suspek si Cagorol saka mabilis na tumakas bitbit ang baril na ginamit. Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang naturang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.
- Latest