2 nabangga tinakbuhan, Koreano arestado
MANILA, Philippines – Kalaboso ngayon sa Las Piñas Police Station ang isang Korean national makaraang ituro na nakabundol at tinakasan ang dalawang tao habang tumatawid sa isang kalsada sa naturang lungsod kahapon ng umaga.
Posibleng maharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at frustrated homicide ang suspek na si Bae Sung Hun, nasa hustong gulang, ng Tahanan Village ng naturang lungsod.
Namatay sa Las Piñas Medical Center ang biktimang si Felina Melgar habang nananatiling kritikal sa Perpetual Help Medical Center ang kasama nitong si Sergio de Guzman, pawang nasa hustong gulang.
Ayon sa saksing si Babie Baculio, nakita niya nang mabundol ng isang SUV ang dalawang biktima habang tumatawid sa may Alabang-Zapote Road dakong alas-6 ng umaga.
Sandaling huminto umano ang SUV ngunit muling pinasibad ng tsuper ang sasakyan upang tumakas.
Hinabol naman ni Baculio ang SUV hanggang makarating sa may Tahanan Village kung saan ipinaalam nito ang pangyayari sa mga guwardiya na siya namang tumawag ng pulis. Nasakote sa loob ng village ang naturang suspek.
Natagalan naman ang pagresponde ng mga rescuers sa mga biktima na umabot umano ng isang oras bago nadala ang mga ito sa naturang mga pagamutan.
Nangako naman umano ang dayuhan na sasagutin ang lahat ng gastos sa pagpapalibing at pagpapaospital ng mga biktima.
- Latest