Mister todas sa tandem
MANILA, Philippines - Patay ang isang 43-anyos na mister makaraang pagbabarilin ng riding in tandem na mga suspect habang nagpapahangin malapit sa kanilang bahay sa Commonwealth Avenue, lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PO2 Victor Mendoza, nakilala ang nasawi na si Victor Valenzuela, residente sa Laura Bungad, kanto ng Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod.
Ayon kay PO2 Mendoza, dalawang lalaki na armado ng pistola at sakay ng isang motorsiklo ang siyang bumaril sa biktima at mabilis ding nawala makaraan ang krimen.
Nangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima, ganap na alas-10 ng gabi.
Sabi ni Marjorie Valenzuela, asawa ng biktima, nakahiga siya sa loob ng kanilang bahay nang makarinig siya ng magkasunod na putok ng baril mula sa labas. Nang kanyang tignan ang pinanggalingan ng putok ay saka niya nakita ang asawa na nakalugmok sa mababaw na creek matapos na barilin ng mga suspect na mabilis ding tumakas.
Agad na humingi ng saklolo si Marjorie sa barangay na siyang nagsugod sa sugatang biktima sa Malvar General Hospital, pero binawian din ito ng buhay habang sinisikap na lapatan ng lunas ng mga doktor, ganap na alas-10:40 ng gabi.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nakarekober ang mga ito sa crime scene ng limang basyo ng bala ng kalibre 45 baril. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest