12-anyos na nene, dinukot sa Maynila
MANILA, Philippines – “Hindi masyadong pinaniniwalaan ng marami kahit ako hindi dati naniniwala, pero ngayon na nangyari ito sa isang constituent ng barangay namin at kasama kami sa sumundo sa bata, naniniwala na ako na totoo ang ‘puting van’ na gumagala para dumukot ng mga bata”
Pahayag ito ni Kagawad Elvie Torricer Paguia ng Barangay 352, Zone 35 sa hepe ng Manila Police District-Women and Children Protection Desk na si Senior Inspector Vicky Tamayo kaugnay sa inihaing reklamo laban sa tatlong hindi pa kilalang mga maskaradong lalaki na sakay ng kulay puting van.
Sa report, sapilitang isinakay sa naturang puting van ang biktimang si Kikay (di tunay na pangalan), 12, dakong alas-6:30 ng umaga noong Hulyo 27, sa Don Quijote St., Sampaloc habang naglalakad papasok sa Ramon Magsaysay High School.
Nabatid na ang biktima, isang grade 7, ay anak ng City Security Force (CSF) ng Manila City Hall, ay nakaligtas lamang sa kamay ng mga abductor nang siya ay biglang tumalon sa van nang manigarilyo umano ang kanilang bantay at bumaba pansamantala sa highway. Nagtago umano siya sa mapuno at mga halaman hanggang sa makaalis ang van.
Nang may dumaan na pampasadang dyip ay pinara niya ito at sumakay hanggang sa makita niya na ang lugar na patungo sa kaniyang lola sa Molino, Cavite.
“Yung naglalakad po ako, isang lalaki lang ang lumapit sa akin, sabi niya po pinasusundo ako ng nanay ko. Sabi ko naman alam ng nanay ko na papasok pa lang ako ng iskul pero hinila po ako at isinakay sa van. Sa flooring po ako pinaupo at katabi ng 5 pang mga batang babae na ka-edad ko lang po, nag-iiyakan sila. Itinupi po yung upuan sa likod ng van,” ani Kikay.
Ilang beses umano silang tinanong kung sino ang maysakit sa puso sa kanila at nang walang sumasagot dahil nag-iiyakan, nagsabi si Kikay na maysakit siya. Nang i-post ng tiyahin ng biktima na taga-Molino Cavite na naroon ito ay saka lamang siya sinundo ng magulang. “Pano ko po malalaman na nadukot siya, ang alam ko pumasok siya ng school,” ani Lea, 32, ina ng biktima.
Ang barangay kagawad ang hiningan ni Lea ng tulong at sumundo sa Cavite sa anak na dinukot. Wala namang makuhang kuha ng closed circuit television (CCTV) sa lugar na pinangyarihan ng pagdukot.
- Latest