MRT bus project ‘nilalangaw’!
MANILA, Philippines – ‘Nilalangaw’ o hindi tinatangkilik ng mga pasahero ng MRT ang bus project ng LTFRB at DOTC na pinasimulan noong Lunes.
Ayon sa mga commuters na nakasubok ng sumakay sa MRT bus project, matagal ang kanilang pinaghihintay sa terminal bago sila bumiyahe dahil pinupuno muna ang bus.
Kapag bumibiyahe na ay lalo silang nagtatagal dahil sa masikip na daloy ng trapiko sa Edsa.
Bunsod nito, mariing tinututulan ang grupong National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) ang nasabing proyekto at sinabing hindi mula pinag-aralan bago ito inilunsad.
Pinasimulan ang MRT bus project noong Lunes at araw-araw ng isasagawa hanggang Biyernes, simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga sa apat na ruta.
Ang nasabing ruta ay kinabibilangan ng North Avenue hanggang Ayala, North Avenue hanggang Ortigas-Shaw, Quezon Avenue hanggang Ayala at Quezon Avenue hanggang Ortigas-Shaw
Diretso sa destinasyon ang mga bus na hindi pwedeng magsakay ng pasahero sa ibang lugar. Pareho rin ang pamasahe na ibabayad ng mga pasahero ng MRT sa 40 bus na kalahok sa proyekto.
Ayon kay (NCCSP) president Elvira Medina, aasa pa rin ang mga commuter sa MRT dahil hindi naman tukoy ng ruta ng MRT Bus ang pinanggalingan o point of origin ng mga pasahero.
Naniniwala si Medina na makapagpasikip pa sa trapiko ang mga bus na hindi na pipiliing sakyan ng publiko. Aniya, nahihirapang magbaba ng mga pasahero ang mga regular na bus, partikular na sa bahagi ng North Avenue.
Samantala, aminado naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makakadagdag sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang pangunahing lansangan ng Metro Manila lalu na sa EDSA ang 40 MRT bus na ipinakalat ng LTFRB at DOTC.
Subalit, nakiusap ang MMDA sa publiko lalu na sa mga mananakay, na pagbigyan muna na gagawan naman aniya ng paraang masolusyunan sakaling may negatibong epekto ito.
Layunin ng proyekto ay maibsan ang mahahabang pila sa tren ng MRT, mula Lunes hanggang Biyernes, simula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga ang biyahe ng mga MRT bus na may apat na ruta: sa North Avenue hanggang Ayala-North Avenue hanggang Ortigas-Shaw-Quezon Avenue hanggang Ayala-Quezon Avenue hanggang Ortigas-Shaw diretso sa destinasyon ang mga bus na hindi pwedeng magsakay ng pasahero sa ibang lugar.
Kung saan pareho rin ang pamasahe na ibabayad ng mga mananakay sa MRT bus.
- Latest