Quezon City court, nilusob ng mga magsasaka
MANILA, Philippines – Naghigpit ng seguridad ang Quezon City Hall of Justice nang lusubin ito ng grupo ng mga militanteng magsasaka na Katipunan ng Samahan ng mga Magsasaka sa Timog Katagalugan ( Kasama-TK Southern Tagalog), kahapon ng pasado alas- 9 ng umaga.
Ang paglusob doon ay makaraang hindi pagbigyan ng Quezon City Police ang mga militante na makaharap at makausap ang kanilang consultant na si Eduardo Serrano na dinala ng mga awtoridad sa QC-RTC Branch 215 para sa pagdinig na may kasong attempted homicide.
Noong Mayo 10 ng taong ito nang arestuhin ng mga elemento ng QC Police at PNP Camp Crame si Serrano, consultant ng KASAMA-TK sa Balintawak, Brgy Unang Sigaw, dahil sa kasong attempted homicide.
Ayon kay Chachi Caneso, media liaison officer ng KASAMA-TK, bukod sa attempted homicide na isinampa kay Serrano sa QC-RTC Branch 215 Judge Maria Luisa Padilla, may 40 iba’t iba pang kaso na gawa-gawa lamang ang isinampa laban dito at saka ipiniit sa Kampo Krame.
Gayunman, umalis din ang mga protesters sa kanilang barikada nang malaman na nakaalis na doon si Serrano at naipagpaliban ni Judge Padilla sa October 19, 2015 ang pagdinig sa kaso nito.
Ito ay makaraang katigan ng korte ang hiling ng kampo ni Serrano sa pamamagitan ni Atty. Rashell Pastores na maipagpaliban ang pagdinig sa kaso nito dahil sa idinadaing na pananakit ng kanyang paa.
Balik normal na ang operasyon ng QC court bago mananghali kahapon.
- Latest