2,000 MMDA ikakalat sa Semana Santa
MANILA, Philippines - Bilang paghahanda sa Semana Santa, tinatayang mahigit 2,000 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ide-deploy sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.
Ito ay bilang bahagi ng programa ng MMDA para sa ‘Oplan Metro Alalay Semana Santa (MASS) 2015’, na tutulong at aasiste sa publiko partikular ang inaasahang libu-libong biyahero ang magtutungo sa mga probinsiya.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, bahagi aniya ng ‘Oplan MASS’, ay ang pag-inspeksyon sa mga terminal kabilang ang pagsailalim sa breath analyzer sa mga tsuper upang masigurong bago ito umalis ay hindi nakainom at magiging maayos at walang aberya ang kanilang pagbiyahe.
Nabatid na magpapakalat din ng mga tauhan ng MMDA sa seaports, North Harbor at paliparan upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at maging sa mga simbahan na inaasahang dadagsain din ng mga mananampalatayang katoliko.
Sinabi pa ni Tolentino, na operational ang Pasig Ferry System mula April 1 hanggang 5 habang suspendido ang number coding sa mga petsang Abril 1, 6 at 9.
- Latest