Peña isinama sa command Conference ng Makati police
MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon kahapon nakipagpulong ang pamunuan ng Makati City Police kay Makati City Vice Mayor Romulo “Kid” Peña sa gitna ng patuloy na nagaganap na tensiyon sa naturang lungsod dahil sa dalawang alkalde ang umaakto dito.
Nabatid na kapwa patuloy na nagmamatigas sina Peña at Makati City Mayor Junjun Binay na sila ang alkalde ng naturang lungsod.
Ang naturang pulong o command conference ay idinaos sa lumang city hall building at pinangunahan ito ni Senior Supt. Ernesto Barlam, hepe ng Makati City Police at mga precinct commander.
Inilatag ni Barlam kay Peña ang mga programang pulisya laban sa kriminalidad at pagpapaigting ng peace and order sa lungsod.
Nilinaw naman ni Barlam na wala silang pinapanigan sa dalawang umaaktong alkalde ng lungsod at ang kanila aniyang pangunahing layunin at responsibilidad ay ang magampanan ang kanilang tungkuling mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lungsod.
Patuloy namang nagtitipon sa Makati City Hall Building 1 ang mga taga-suporta ni Binay at tuloy naman ang normal na operasyon sa lungsod.
- Latest