10 ‘tiktik’ tumanggap ng P4.6-M pabuya
MANILA, Philippines – Sampung impormante ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang binigyan ng kabuuang P4.6 milyon halaga ng salapi bilang gantimpala sa pagbibigay nila ng impormasyon para mabuwag ang malalaking sindikato na nagpapakalat ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga binigyan ng gantimpala ay itinago sa mga codename na Axcel, Noy, Tolendoy, Paulo, Abel, Brix, Coleen Sarmiento, Cold Ice, Ice at Jun.
Ang mga nasabing impormante ay tumanggap ng parangal nang nakatakip ang kanilang mga mukha upang maprotektahan ang kanilang katauhan at hindi maging delikado ang kanilang mga buhay laban sa mga sindikato.
Sabi ni Cacdac,may kabuuang P4,691,467.50 monetary rewards ang naibigay sa mga impormante na inaprubahan ng OPE Rewards Committee.
Sa lahat ng impormante, tanging si alyas Jun ang nakatanggap ng pinakamalaking halaga ng reward sa halagang P1,929,889.61. Ito ay base sa impormasyong kanyang ibinigay sa PDEA Regional Offices 2 at National Capital Region na nagresulta sa pagkakabuwag sa malaking laboratoryo ng shabu at pagkakasamsam sa may 260.25 kilograms ng shabu, 24 kilograms ng ephedrine. Nadakip din sa bisa ng search warrant ang limang suspect sa naturang operasyon sa Brgy. Newagac, Gattaran, Cagayan noong February 26, 2015.
Sabi ni Cacdac, sa ganitong paraan ay mas mapapadali ang pagbuwag sa mga sindikato ng droga sa bansa, dahil mabilis na maibibigay ang impormasyon sa mga awtoridad.
Kaya naman muling hinikayat ni Cacdac ang publiko na makiisa sa kanilang programa na sugpuin ang illegal drug activities sa bansa.
- Latest