2 bus nagbanggaan, 10 sugatan
MANILA, Philippines - Isinugod sa iba’t ibang pagamutan ang 10 pasahero ng dalawang pampublikong bus makaraang magkabanggaan sa kahabaan ng EDSA sa Makati City, Linggo ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naganap ang banggaan sa northbound lane ng EDSA sa kanto sa may Pasay Road, Makati City na kinasasangkutan ng Precious Grace Transport at JAC Liner.
Kapwa hawak naman ngayon ng mga otoridad ang mga driver na sina Alex Villanueva ng JAC Liner at Romano Parena, ng Precious Grace Transport.
Ayon kay Villanueva, nakahinto ang minamaneho niyang bus sa kanto ng EDSA-Pasay Road habang naghihintay ng green light nang bigla na lamang banggain ang kanyang sasakyan ng bus ng Precious Grace Transport.
Pitong pasahero sa likuran ng JAC liner ang sugatan, kabilang ang isang mag-anak kung saan kinailangang dalhin pa sa ospital ang ina at isa sa tatlong anak nito habang tatlo namang pasahero ng Precious Grace bus ang nasugatan.
Katwiran naman ni Parena, bigla umanong nawalan ng preno ang minamaneho niyang bus habang palapit sa kanto ng EDSA at Pasay Road. Sinabihan naman umano niya ang mga pasahero na kumapit ng maigi dahil sa wala silang preno.
Tiniyak naman ng Precious Grace Transport na sasagutin ang mga gastusin sa pagpapagamot ng mga sugatan sa aksidente.
- Latest