Parak na nanapak inireklamo
MANILA, Philippines - Posibleng mauwi sa demandahan ang away ng isang pulis at isang aplikante ng pagpupulis dahil lamang umano sa ayaw ng isa na maging tulad niyang pulis ang kababata, sa Tondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Batay sa reklamo ni Jonathan Stanly Dionisio, 26, aplikante sa kasalukuyang recruitment ng Philippine National Police (PNP) at residente ng no 1631 Interior 15 F. Varona St., Tondo, Manila kay SPO2 Donald Panaligan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), sinapak siya ni PO1 Mark Gonzales na nakatalaga sa MPD-station 1 noong nakalipas na Marso 20 dakong alas 3:00 ng hapon.
Sa salaysay ni Dionisio, nakasalubong umano niya si Gonzales noong Marso 20 sa Dandan St. malapit sa Bangkusay St. nang lapitan at biglang sapakin sa mukha ng pulis.
Nag-ugat umano ang kanilang alitan nang pagbintangan siya ng nasabing pulis na nagtext umano siya noong Marso 5 na nananakot at nanghihingi ng ransom, sa hindi malamang dahilan.
Nagulat na lang umano si Dionisio nang magtext sa kaniya ng pulis ng “P….I mo Atan at pinsan mo di kayo namimili ng tataluhin kahit magpatung-patong pa kayo jan mga P…ina niyo tabla tabla tayo” at nabalitaan na siya ang inaakusahang nagtext ng pananakot at panghihingi ng ransom.
Pahayag ni Dionisio, matagal na siyang umiiwas sa pulis at hindi niya alam kung bakit galit sa kaniya at nagsasalita pa umano na haharangin ang kaniyang papel upang hindi matanggap sa pagpupulis.
Nakatakdang harapin ngayon ni Dionisio si Gonzales sa MPD-GAIS upang malaman kung itutuloy ang kasong physical injury.
- Latest