3 sunog sumiklab, 1 patay
MANILA, Philippines – Patay ang isang lalaki na hinihinalang sadyang sinunog ang tinitirhang bahay sa Las Piñas City habang dalawa pang sunog ang sumiklab sa lungsod ng Makati at Malabon City, kamakalawa.
Nakilala ang nasawi na si Marlon Balse, 32, ng BF Resort Village, Bgy. Talon Dos, Las Piñas City.
Inaalam pa ng pulisya ang tunay na sanhi ng pagkamatay ni Balse dahil sa natagpuang patalim at samurai sa loob ng kuwarto nito.
Sa ulat, Sabado pa ng gabi nang magkulong sa kanyang inuupahang kuwarto si Balse sa ikalawang palapag ng bahay na pag-aari ng isang Imelda Calpe. Hinihinalang nakagamit umano ito ng iligal na droga at may limang araw na umanong hindi natutulog.
Alas-9:15 ng umaga nang magsimula ang sunog buhat sa ikalawang palapag ng bahay at naapula rin ng mga bumbero matapos ang 30 minuto. Masuwerteng naagapan umano ang pagsabog ng LPG tank sa bahay na maaaring magdulot ng mas malaking pinsala. Hinihinalang sinadya ang sunog ni Balse nang makita sa loob ng kuwarto nito ang mga nasindihang palito ng posporo.
Samantala, nasa 50 pamilya naman ang nawalan ng tahanan sa sunog na sumiklab sa residential area sa may Gov. Pascual Ave. sa Bgy. Catmon, Malabon dakong alas-2:40 kamakalawa ng hapon. Nagsimula umano ang apoy sa bahay ng isang Roberto Capayan at tuluyang kumalat hanggang sa matupok ang may 20 hanggang 30 bahay.
Nasaktan sa insidente ang 5-taong gulang na si Carmelo Barientos at Noemi Montecillo na nagtamo ng mga paso. Umabot sa ikalimang alarma ang sunog at tinatayang nasa P200,000 halaga ang napinsalang ari-arian.
Limang bahay naman ang sunog sa may Mayapis St., Bgy. San Antonio Village, Makati City. Dakong alas-8:55 ng gabi nang mag-umpisa ang sunog at naapula dakong alas-9:40 ng gabi. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
- Latest