‘Gagamboy’, todas sa truck driver
MANILA, Philippines - Todas sa saksak ng truck driver ang isang diumano’y ‘gagamboy’ nang hindi ito nagpasaway sa pagsampa sa truck at batuhin pa ang salamin sa direksiyon ng driver sa panulukan ng Quirino Avenue at Osmeña Highway, sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Manuel Yabut, residente ng Mataas na Lupa, Paco, Maynila.
Arestado naman ang suspek na si Vincent Roxas, 33, driver at residente ng Trece Martirez, Cavite nang sundan ito ng mga awtoridad sa garahe nito, malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente.
Habang naka-pula ang traffic light ay sinamantala umano ng biktima na akyatin ang truck sa likurang bahagi na nasilip ng driver kaya sinaway niya ito at inutusang bumaba.
Nang bumaba ang biktima ay inakyat muli ng ‘gagamboy’ ang truck sa unahang bahagi at lumipat pa umano sa bahagi ng driver’s seat. Doon ay nakita niya ang P3,000 cash na nakalagay sa dashboard.
Hinihingi umano ng biktima ang pera at tinatakot pa ang driver at pahinante na siya ay lasing. Napilitang paandarin ng driver ang truck kaya walang nagawa ang biktima kundi tumalon subalit dumampot ng bato at ipinukol sa salamin ng truck sa tapat ng driver.
Napikon ang driver at bumaba upang komprontahin ang biktima na nauwi muna umano sa suntukan hanggang sa mahulog umano mula sa bulsa ng biktima ang isang patalim na naagaw ng driver.
Ito na umano ang ginamit na panaksak sa biktima na nagtamo ng dalawang tama sa dibdib, na agad ding binawian ng buhay habang ginagamot sa Sta. Ana Hospital.
Ang mga tinaguriang spider man o jumper boys ay ang mga sumasampa sa truck o iba pang uri ng sasakyang bumibiyahe para pagnakawan.
- Latest