Nakaipit sa tiket driver kalaboso sa shabu
MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang dri-ver matapos na makuhanan ng isang sachet ng shabu at shabu paraphernalia nang masita dahil sa illegal parking sa Lambingan Bridge, Sta. Ana, Maynila.
Kinilala ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Director Carter Don Logica ang suspek na si Alvin Ryan Sungao, 32, ng San Matias, Guagua, Pampanga.
Batay sa report, alas-10:30 ng umaga nang masita ng mga tauhan ng MTPB si Sungao, dahil sa matagal nang nakahinto sa Lambingan Bridge ang tanker na minamaneho nito na may plakang RMH 261.
Kinuha ni Sungao mula sa kanyang bulsa ang tiket kung saan lumitaw ang isang sachet ng shabu.
Dito na nagulat ang mga tauhan ng MTPB Task Force Foxtrot. Agad nilang pinalabas kay Su-ngao ang mga nasa bulsa nito kung saan nakuha ang mga improvised toother, palara at mga stick. Ayon kay Sungao binili niya iyon sa halagang P2,000.
Lumilitaw na nahuli na sa Makati si Sungao dahil sa kasong paglabag sa batas trapiko kaya’t wala na itong naiprisintang lisensiya.
Ayon kay Logica kadalasan umanong gumagamit ang mga driver upang gi-sing sa kanilang pagmamaneho sa gabi. Gayunman, todo tanggi naman si Sungao na alam ng kanyang amo ang kanyang paggamit ng shabu.
Agad namang dinala sa MPD-Station 9 si Sungao upang masampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, isang tow truck naman ang hinatak ng tow truck matapos na mahuli sa aktong natutulog ang driver nito habang nakaparada sa gilid ng Isetann Department Store sa Quezon Blvd. noong Huwebes.
Ayon kay Manila Vice Mayor Isko Moreno, indikasyon lamang ito na ang lahat ng sasakyang nakasasagabal ay kailangan na hatakin maging ito man ay pribado o gobyerno.
- Latest