Nang-hostage ng bata, bulagta sa pulis
MANILA, Philippines - Isang lalaki na hinihinalang nasa impluwensiya ng droga ang nabaril at napatay ng mga pulis matapos nitong i-hostage ang isang 7-anyos na batang babae, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ang suspek na si Charlito Rasonable Jr., 37, isang welder, ng Litex Road, Commonwealth, Quezon City sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Samantala, ang biktima naman ay itinago sa pangalang Nene, naninirahan sa Bagong Silang, Caloocan City.
Sa isinagawang imbestigasyon ni PO3 Rhyan Rodriguez, ng Caloocan City Police, naganap pangho-hostage alas-5:45 ng hapon sa loob ng inuupahang kuwarto ng suspek malapit sa tinitirhan ng biktima.
Nabatid, na kasalukuyang nakikipaglaro ang biktima sa kapatid nitong si Jenmar sa harapan ng kanilang bahay nang gumulong ang kanilang gamit na bola sa tapat ng bahay ng suspek.
Nang kukunin na ng biktima ang bola ay bigla na lamang umano itong dinakma ng suspek at sinabihan pa ng mga katagang “wag kang maingay at papatayin kita, tingnan mo yung bubong at gumagalaw na naman”.
Ipinasok ng suspek ang biktima sa loob ng kanyang bahay at tinutukan ng patalim habang nanghingi naman ng tulong sa kanyang mga kapitbahay ang kapatid nito na siyang tumawag sa himpilan ng pulisya. Nang dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente ay ginawa ng mga ito ang lahat upang mailigtas ang biktima at mahuli ng buhay ang suspek ngunit lumipas ang ilang oras ay hindi pa rin nakakalma si Rasonable dahilan upang pasukin na ng mga tauhan ng Special Reaction Unit (SRU) ang bahay ng hostage taker.
Agad umanong nagpaputok ng kanyang pengun ang suspek kung saan ay tinamaan ang isa sa mga miyembro ng SRU na nakilalang si PO1 Naser Ferreras na nakasuot naman ng bullet proof vest kaya hindi tumagos ang bala sa katawan nito.
Dahil dito, napilitan na ang mga pulis na gumanti ng putok at makalipas ang ilang sandali ay nakitang duguan ang suspek na agad na isinugod sa nabanggit na pagamutan, ngunit alas-8:30 nang ideklara ito ng mga doktor na DOA, habang ligtas naman ang bata.
Nabatid, na naka-droga umano ang suspek at tatlong araw na itong hindi kumakain.
- Latest