12 oras na sunog sa Parola: 6,000 pamilya nawalan ng tirahan
MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 6,000 pamilya ang apektado habang anim ang sugatan matapos na sumiklab ang sunog sa Parola Compound, Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Manila Disaster Risk Reduction Management Council Director Johnny Yu, pasado alas-6:00 ng gabi nang magsimula ang sunog sa lugar kung saan 1,500 hanggang 2,000 mga kabahayan ang tinupok ng apoy sa Gate 46 hanggang Gate 64 ng Parola Compound ng Brgy. 275 sa District 3.
Nahirapan naman ang mga bombero sa pag-apula sa apoy dahil walang makunang tubig malapit sa pinangyarihan ng insidente at masikip pa ang daanan bukod pa sa gawa sa light materials at magkakadikit ang mga kabahayan kaya agad na kumalat ang apoy.
Ganap na alas-6:41 ng umaga nang idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kontrolado na ang sunog pero tuluyang na-fire out makalipas ang 12 oras.
Dalawang anggulo ang tinitingnan ng BFP na pinag-ugatan ng sunog, una ay electrical short circuit dahil sa posibleng mga “jumper” ng kuryente sa lugar at pangalawa ay naiwan na pinaglutuan ng mga residente matapos na mag-away ang isang nangungupahang mag-asawa.
Samantala, dakong ala-1 ng tanghali nang muling magkaroon ng sunog sa Gate 1 ng Parola Compound District 1.
Samantala, sa Marikina, apat na bahay ang tinupok din ng apoy sa sunog na naganap dito kahapon ng madaling- araw.
Ayon sa FO3 Noel Alarcon ng Marikina City Bureau of Fire Protection, ang sunog ay sumiklab dakong alas-2:51 ng madaling araw sa kanto ng JP Rizal St., Brgy. San Roque, sa lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nagsimula ang apoy sa nagliyad na kawad ng kuryente sa bahagi ng kisame sa tahanan ng isang Rhea de Guzman. Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang tatlo pang tahanan at isang apartment.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog at idineklarang fireout dakong alas-5:00 ng madaling-araw. Tinatayang aabot sa P1.5-milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa nasabing sunog at wala namang naiulat na nasaktan at nasawi sa insidente.
Sa Quezon City, may 20 bahay ang naabo sa sunog na sumiklab sa isang barangay bunga ng umano’y napabayaang kandila sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, nagsimula ang sunog sa isang palapag na bahay na tinutuluyan ng mag-live in na sina Ailyn Reginaldo, at Totoy Lagata, na matatagpuan sa may Albania compound, Group 9, Payatas Road, Brgy. Payatas, ganap na alas-8:20 ng gabi.
Mabilis namang nakaresponde ang mga kagawaran ng BFP at inapula ang apoy na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang idineklara ganap na alas-10:14 ng gabi.
- Latest