Mensahero huli sa kotong
MANILA, Philippines - Arestado ang isang mensahero makaraang kotongan ang isang ginang sa pamamagitan ng solicitation letter para sa isa umanong foundation sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ng pulisya ang suspect na si Ruel Bebit, 32, ng Sitio Sampaloc, Brgy. Camflora, San Andres sa lungsod.
Tinangka nitong biktimahin si Precilla Domingo, 75, biyuda, retiradong insurance manager at residente sa Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Julius Rempillo, naaresto ang suspect sa harap ng bahay ng biktima matapos na abutin nito ang halagang P3,000 bilang solicitation sa kanila umanong foundation, ganap na alas-3:30 Huwebes ng hapon.
Bago ito, Feb. 23, 2015 ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang biktima mula sa isang lalaki na nagpakilalang isang General Abuan na nag-aalok ng sponsorship sa pamamagitan ng pagbebenta ng ticket sa halagang P3,000.
Nagtaka umano ang biktima dahil hindi naman niya ito kilala, hanggang makalipas ang ilang minuto isang lalaki ang dumating sa kanilang bahay at iniabot ang isang envelope na nakalagay ang isang solicitation ticket, calling cards, letter of authority to conduct campaign mula sa DSWD, solicitation letter mula sa Worldwide Anti-Crime & Child Abuse Assistance Foundation Inc., at leafleats.
Kinabukasan ay magkasunod na nakatanggap ng tawag ang biktima mula sa caller na si Gen Abuan at nagtatanong ukol sa solicitation na tila galit, sanhi upang matakot na ang una at magpasyang dumulog sa CIDU para humingi ng tulong.
Agad na bumuo ng tropa ang CIDU general assignment section sa pamumuno ni SPO4 Nick Fontanilla ay ikinasa ang entrapment operation. Kaya nang muling tumawag ang nasabing caller ay pinapunta na ng biktima sa kanilang bahay at nang abutin ang pera ay doon na ito inaresto ng mga naka-antabay na pulis.
Sa pagsisiyasat ng CIDU, napag-alaman mula sa business permit and licensing office ng city hall na ang foundation na ipinapakilala ng suspect ay paso na at hindi na na-renew.
Robbery extortion ang kasong kinakaharap ngayon ng suspect.
- Latest