Dagdag benepisyo, insentibo sa WWII veterans sa Taguig
MANILA, Philippines – Magandang balita para sa mga World War II veterans sa Lungsod ng Taguig.
Malugod na ibinalita ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang karagdagang benepisyong ipinamamahagi ng pamahalaang Lungsod ng Taguig sa mga beteranong opisyal ng WWII, maging ang pagbibigay ng monthly cash allowance sa mga rehistradong WWII veterans sa Taguig.
Masayang inanunsyo ng alkalde na tatlong ordinansa ang ipinasa at inaprubahan ng city council ng Taguig, na ang layunin ay palakihin ang nakukuhang buwanang cash allowance ng mga beteranong opisyal at ang pagkakaroon naman ng buwanang cash allowance para sa mga kinikilalang beterano ng WWII na kasalukuyang naninirahan sa Lungsod ng Taguig.
Sa inaprubahang City Ordinance No. 53, Series of 2014, magbibigay ang Taguig ng karagdagang P5,000 sa nakukuhang buwanang allowance ng nakatalagang commander at secretary ng VFP District 17.
Dahil dito, ang beteranong may posisyon na District Commander sa VFP Taguig-Pateros ay makakakuha na kada buwan ng P7,000, mula sa nakaraang P2,000; ang Vice Commander ay P6,500 mula sa nakaraang P1,500; at P6,000 naman para sa kasalukuyang Secretary/Clerk/Post Commanders, mula sa nakaraang P1,000.
Ayon pa sa mayora, ang mga beterano na kasalukuyang naninirahan sa Taguig at opisyal na rehistrado sa talaan ng veterans office ng lungsod ay magkakaroon na ng buwanang cash allowance na P5,000.
Sa isa pang City Ordinance No. 54, Series of 2014, ang mga beterano at ang kanilang asawa, maging ang mga biyuda na ng mga pumanaw na beterano, ay magkakaroon ng karagdagang P10,000 burial assistance, kaya ngayon ay aabot na sa P20,000 ang kabuuang burial assistance ang inilalaan ng Taguig para sa kanila.
Ayon naman sa City Ordinance No. 55, Series of 2014, bibigyan din ng karagdagang insentibo kada buwan ang mga empleyado na nagtatrabaho sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na sakop ng Taguig-Pateros.
- Latest