Matinding trapik, sumalubong sa mga motorista
MANILA, Philippines – Dumanas ng usad-pagong na trapik ang libu-libong motorista sa Eastern part ng Metro Manila dahil sa pagsasara sa ilang bahagi ng EDSA bunsod na rin ng ika-29 na anibersaryo ng People Power kahapon.
Ganap na alas-9:00 pa lamang ng umaga ay matindi na daloy ng trapiko sa halos lahat ng pangunahing lansangan sa Mandaluyong City, San Juan City at Pasig City na ikinainis ng mga motorista.
Ayon sa Mandaluyong Traffic police, isinara nila sa daloy ng trapiko ang Shaw Boulevard ng EDSA hanggang sa bahagi ng Santolan para bigyan daan ang mga taong nakiisa sa pagdiriwang ng EDSA revolution.
Maging sa mga side-street at perpendicular roads ay puno rin ng mga sasakyan ng mga nagkakanya-kanyang diskarte na mga motorista makarating lamang sa lugar na kanilang pupuntahan sa Mandaluyong.
Sa area naman ng San Juan, halos hindi rin gumagalaw ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng V. Mapa, N.Domingo, F. Blumentritt hanggang sa Shaw Blvd., gayundin sa Brgy. Wack-Wack at kahabaan ng Pioneer Avenue.
Masikip din ang daloy ng mga sasakyan sa kahabaan ng C-5 Road sa Brgy. Bagong Ilog at Brgy. Kapitolyo patungo sa Pasig City Hall.
Naranasan ang matinding trapik sa kabila ng walang pasok ang mga estudyante matapos ideklara ng Palasyo na special holiday pero may pasok sa trabaho kung kaya’t marami pa rin ang naapektuhan at naperwisyo ng matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa isinagawang road closure.
Dahil dito, humingi ng paumanhin si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa publiko at kasabay ng hiling na pairalin ng mga ito ang mas mahabang pasensya.
Maraming nalitong mga motorista at ilang mga commuters ang napilitang maglakad dahil sa sobrang trapik sa kabila ng abiso ng MMDA na gamitin ang mga alternatibong ruta para hindi maabala.
Nag-deploy din ang MMDA ng mga shuttle para magbigay ng libreng sakay sa maaapektuhan nito.
- Latest