Informal settlers, sakit ng ulo ng MMDA
MANILA, Philippines – Patuloy na nagiging sakit ng ulo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga naglipanang mga informal settlers sa ilang lugar ng Kalakhang Maynila.
Sinabi kahapon ni MMDA Director Emma Quiambao, ng Flood Control and Sewerage Management Office, na nagiging balakid sa kanilang clean-up operation ang mga naglipanang informal settlers dahil hindi nila basta-basta napapaalis ang mga ito.
Karamihan umano sa mga ito ay nakapwesto at nakaharang pa sa mga estero o daluyan ng tubig kung kaya’t hindi makadaloy nang husto ang tubig na nagreresulta sa pagbara at pagbaha sa Metro Manila sa tuwing tag-ulan.
Partikular na tinukoy ni Quiambao ay ang ginawa nilang paglilinis sa Santo Niño Creek, Pasay City na nahirapan silang pasukin dahil punung-puno ng informal settlers.
Ngunit sa kabila nito, ayon kay Quiambao, pinilit umano nilang linisin ang lugar dahil malaking problema ang maidudulot nito kapag dumating ang panahon ng tag-ulan.
Nabatid na sinimulan ng MMDA noong nakaraang linggo ang paglilinis ng mga estero bilang bahagi ng kanilang 3-in-1 clean-up operation program bilang paghahanda na rin sa pagdating ng panahon ng tag-ulan.
Sa limang araw na operasyon, umabot na agad sa kabuuang 50 truckloads ng basura ang nahakot ng ahensiya mula sa nilinis nitong estero at creek sa bahagi ng Maynila at Pasay City.
Magpapatuloy ang clean-up operation ng ahensiya sa labing-pitong lungsod sa Metro Manila hanggang sa buwan ng Hulyo bago pumasok ang panahon ng tag-ulan.
- Latest