Natusta sa sunog sa Makati, kilala na
MANILA, Philippines – Nakilala na ang tatlong babae na natusta matapos masunog ang tinutuluyan nilang transient house sa Makati City noong Biyernes ng madaling-araw.
Hanggang sa ngayon ay nakalagak pa sa Veronica Funeral Parlor ang mga magkakamag-anak na biktimang sina Elvie Yakyakin, 48; kapatid nitong si Adrian Lungab, 36; at pamangkin nilang dalagang si Helzen Yakyakin, 20, pawang mga taga Balagbag, Baguio City.
Kinilala ang mga biktima ni Bartolome Lungab, kapatid nina Elvie at Adrian.
Nabatid, na noong Biyernes, alas-2:17 ng madaling araw, tinupok ng malakas na apoy ang tinutuluyang lumang transient house ng mga biktima, na matatagpuan sa panulukan ng Santillan at Dela Rosa Sts., Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod, na pag-aari ni Isabelita Tiangco.
Sinasabing lumuwas lamang sa Maynila ang mga biktima dahil sa nakatakdang kidney operation ng isa sa mga ito, habang ang isa naman ay kidney donor.
Nag-overheat na electric fan ang hinihinalang pinagmulan ng sunog.
- Latest