Sunog sa Makati: 3 natusta
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang natusta nang buhay matapos masunog ang tinutuluyan nilang isang lumang transient house sa Makati City, kahapon ng madaling-araw.
Nabatid na sunog na sunog ang mga biktima, isa sa mga ito ay may nakatakdang kidney operation, samantalang ang isa naman ay kidney donor, na kinilala lamang sa pangalang Elvie. Hanggang sa ngayon ay inaalam pa ang mga pagkakakilanlan sa mga ito.
Sa kabila na sinasabi ng may-ari ng transient house na si Isabelita Tiangco, 71, na babae ang mga biktima, ayon sa mga awtoridad, isasailalim pa rin sa autopsy ang mga ito upang makumpirma dahil may nagsabi naman na isang babae at dalawang lalaki ang mga nasawi.
Nabatid na pawang taga-Baguio City ang mga biktima na lumuwas lang sa Maynila dahil nga sa nakatakdang kidney operation.
Napag-alaman na may tatlo pang nangungupahan na nasugatan at isinugod sa ospital. Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog.
Ayon sa inisyal na pagsisiyasat nina PO3 Ronaldo Villaranda, ng Homicide Section, Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police at Fire Arson Investigator, Senior Fire Officer 1 Reynaldo Gonzales, naganap ang insidente alas-2:17 ng madaling-araw sa lumang transient house na may dalawang palapag na matatagpuan sa 7562 panulukan ng Santillan at Dela Rosa Sts., Brgy. Pio Del Pilar ng naturang lungsod, na pag-aari ni Tiangco.
Nabatid, na biglang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng naturang transient house kung saan umookupa ang mga biktima.
Hinihinalang nag-overheat na lumang electric fan ang pinagmulan ng sunog.
Natagpuan ang mga sunog na bangkay ng mga biktima sa isinagawang clearing operation ng Makati City Central Fire Department.
Alas-3:37 kahapon ng madaling-araw, idineklarang fire-out ang insidente ng mga kagawad ng Makati City Central Fire Department.
- Latest