Mas maraming mangingisda, nakinabang sa ‘ProbinSyudad’ ng Taguig
MANILA, Philippines – Bilang pagbibigay ayuda sa fisherfolk community, aabot sa 1,080 na mga mangingisda ang nabiyayaan ng makabago at modernong mga lambat at bangka ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Ayon sa tanggapan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, katuwang nila ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamamahagi ng mga kagamitang pangingisda kagaya ng mga high quality na mga lambat sa mga rehistradong mga mangingisda ng lungsod.
Ito ay sa ilalim ng programa ng Taguig City government, ang “ProbinSyudad” upang itaas ang antas ng pamumuhay ng mga mangingisdang naninirahan sa mga coastal barangay ng lungsod. Nabatid na mga makabagong lambat, 12 bangkang may katig at apat na bangkang mahaba ang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod sa mga ito.
Bukod dito, patuloy pa rin ang pamimigay ng Taguig sa mga mangingisda ng mga fingerling upang mapalitan ang mga nahuling isda sa kanilang sanctuary at mapanatili ang normal na fishing cycle sa coastal barangays.
Sinabi pa ni Mayor Cayetano, nais nilang panatilihin ang kagandahan ng kalikasan sa 12 coastal barangay at palaguin pa ang mga produkto nitong mga yamang dagat kagaya ng iba’t ibang klase ng isda na bahagi ng programang “ProbinSyudad” ng Taguig. Bukod sa mga kagamitang pangingisda, namahagi din ng mga ID sa mga lehitimong mangingisda bilang pagkakakilanlan ng mga ito upang mabigyan ang mga ito ng ayuda ng pamahalaang lungsod.
- Latest