MMDA constable, huli sa kotong
MANILA, Philippines – Sa kinakalawang na rehas na bakal ngayon kumakaway ang isang traffic constable ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos arestuhin makaraang mangotong sa isang taxi driver sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay PO3 Wilmore M. Bataanon, ang suspect ay nakilalang si Niño Membrado, 38, ng Brgy. Immaculate Concepcion, sa lungsod. Nadakip ito sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng QCPD Station 10, matapos humingi ng tulong ang dispatcher ng Jomalyn Taxi na si Reagan Formento hinggil sa pangongotong umano nito sa kanilang driver na si Ramil Clacio, 35.
Nangyari ang entrapment operation sa may New York St., corner Denver St., Brgy. Pinagkaisahan, sa lungsod, ganap na alas -11:30 ng gabi. Bago ito, alas -11 ng gabi, hinuli umano ng suspect si Clacio sa nasabing lugar, dahil sa umano’y paglabag sa batas trapiko. Base sa pahayag ni Formento, hinihingan ng halagang P6,000 ang kanilang driver at matapos ang naging tawaran ay P2,500 na lamang ang napagkasunduan para ito mapakawalan. Sa puntong ito, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang PS10 sa pangunguna ni SPO1 Conrado Lim sa lugar at nang abutin ni Membrando ang marked money na halagang P2,500 kay Formento ay saka ito inaresto. Narekober ang pera mula sa bulsa ng MMDA personnel, saka ito dinala sa nasabing himpilan. Inihahanda na ang kasong extortion laban sa suspect.
- Latest