2nd round ng pagbabayad ng real property tax itinakda sa 2017
MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Konseho ng Maynila ang ikalawang bahagi ng pagbabayad ng real property tax sa 2017.
Ayon kay Manila 5th District Councilor Raymundo Yupangco, bahagya nang nakabangon ang lungsod ng Maynila kung saan nabayaran na ang mga naiwang utang ng nakaraang administrasyon kaya’t marapat lamang na pagpahingahin ang mga taxpayers mula sa kanilang bayarin.
Inamyendahan ng konseho ang section 3 ng ordinance no. 8330 o ang ‘2014 General Revision of Real Property Assessments’ na nagtatakda ng adjustment sa fair market values ng mga real property taxes sa lungsod alinsunod na rin sa evaluation ng city assessors.
“We have already achieved our goal of increasing our tax collections. Our debts have already been paid and our budget deficit is also being managed. We see no need to make the second collections this year,” ani Yupangco.
Matatandaang inaprubahan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pagtataas sa real property tax sa residential properties, commercial at industrial properties.
Una nang sinabi ng konseho na sa loob ng dalawang taon gagawin ang pagbabayad kung saan 60 porsiyento sa taong 2014, at ang 40 porsiyentong balance ay ngayong taon 2015.
Subalit sa panibagong ordinansa, nire-scheduled ang second payment sa 2017.
Giit ni Yupangco, kinailangan lamang nilang itaas ang real property taxes at services fees bunsod na rin sa utang ng lungsod sa utility services na umaabot sa P4.4 milyon at pagkakaroon ng budget deficit na P3.5 bilyon.
Ito na rin ang pangako ni Estrada na debt-free ang Maynila sa Hulyo, 2015.
- Latest