Pangalan ng patay ginamit sa credit card, kelot huli
MANILA, Philippines – Isang lalaki ang inaresto ng otoridad sa Mandaluyong City matapos na umano’y gamitin nito ang pangalan ng isang lalaki na dalawang taon nang patay sa credit card.
Kinilala ni Anti Cybercrime Group head Senior Supt. Gilbert Sosa, ang suspect na si Eamonn Criss Madriaga, 35, na nadakip ng kanilang tropa matapos na painan ng isa pang credit card na nakapangalan sa pangalan ng isang patay na may-ari.
Ayon kay Sosa, nadakip ang suspect matapos na tanggapin nito ang isang bagong credit card na idiniliber ng isang undercover policeman na umakto bilang isang messenger ng isang courier service.
Base sa reklamong isinampa ng law firm na Baterina Baterina Casals Lozada & Tiblani, ang suspect ay gumagamit ng isang credit card na nakapangalan sa isang patay na tao.
Pero tumanggi naman ibigay ng ACG ang pangalan ng nasawing kliyente sa kahilingan na rin ng law firm.
Hinala ng ACG na si Madriaga ay may mga kakutsaba na kawani ng isang bangko para makakuha ng mga personal na impormasyon ng isang nasawing kliyente para makapagpalabas ng bagong credit card na gagamitin nito sa kanyang sariling interest.
Ang scheme ay ginagawa sa pamamagitan ng paggamit ng suspect ng credit card para bumili ng mga items sa iba’t ibang tindahan at pagkatapos ay ibebenta muli sa mababang presyo saka nila paghahatian ang kinita.
Nabatid ng ACG na sa loob ng dalawang araw, nagagawang makakuha ni Madriaga ng P287,801.34.
Samantala, ayon kay Chief Insp. Jay Guillermo, tagapagsalita ng ACG ang suspect ay naaresto ganap na alas-11:30 Biyernes ng umaga sa kahabaan ng Sen. Neptali Gonzales Street sa Barangay San Jose, Mandaluyong City.
Nakapiit ngayon si Madriaga sa nasabing himpilan sa kasong paglabag sa Republic Act 8484 o ang Access Device Act of 1998.
- Latest