Malaysian national, timbog sa droga
MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang Malaysian national makaraang maaktuhan ito ng security guard ng isang supermarket na gumagamit umano ng iligal na droga sa loob ng palikuran ng establisimento sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Senior Supt. Sidney Hernia, Officer-in-Charge (OIC) ng Pasay City Police ang nadakip na dayuhan na si Vin Sen Low, 38, hotel director, at tubong-Kualala Lumpur, Malaysia.
Sa ulat ng pulisya, nag-iinspeksyon sa isa sa palikuran ng Metro Super Market Plaza 66 sa Brgy. 183 Villamor Air Base, ang security guard na si Abdurahim Aliakbar, ng Suntak Security Agency, dakong alas-2:25 ng hapon nang makalanghap ito ng masangsang na amoy.
Huli nito sa akto si Low sa loob ng isa sa mga cubicle na sumisinghot ng shabu gamit pa ang isang foil at tooter. Agad na dinakip at isinuko sa Pasay Police ang dayuhan.
Narekober mula sa dayuhan ang dalawang pirasong kulay itim na plastic, plastic straw, improvised tooter at lighter.
Kasalukuyan nakakulong ang suspect sa detention cell ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest