NBI hihingi ng tulong sa US sa Mamasapano viral video
MANILA, Philippines – Maaaring humingi ng tulong sa Estados Unidos ang National Bureau of Investigation (NBI) para sa mas malinaw na imahe at lalong matukoy ang pagkikilanlan sa mga sangkot sa brutal na pagpaslang sa SAF 44 sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi ni NBI director Virgilio Mendez na gagawin lamang ito ng NBI-Cyber Crime Division (CCD) kung kinakailangan.
May hawak na aniya, ang NBI-CCD ng mga larawan na nakuha sa video na doon din may kuha ang ilang suspect sa brutal na pagpaslang na dapat na mapalinaw.
Puspusan umano ang imbestigasyon ng NBI at pagsusuri sa mga video na naging viral sa social media upang makilala ang pinagmulan o nag-upload at ang mga taong sangkot sa mismong krimen.
Kabilang sa naging aksiyon ng NBI at maging ng PNP ang pagkumpiska sa mga nagkalat na DVD sa merkado sa Mindanao na nagpapakita ng malagim na sinapit ng SAF 44. Kinondena ng mga kaanak ng Fallen 44 ang mistulang pagpi-piyesta ng publiko na mapanood ito.
Naging sanhi rin umano ang video nang lalo pang pagkagalit ng marami.
“We will enhance the photos of the personalities, hoping na ma-identify sila for the ongoing investigation of the DOJ-NBI special time,” sabi ni NBI-CCD head agent Ronald Aguto.
Idinagdag pa nito na tutukuyin nila ang nag-upload ng video sa YouTube at malalaman din sa proseso na isinasagawa ng Information Technology expert kung saang lugar nagsimula o inapload sa pagtukoy sa “IP address”.
Natukoy na umano nila na ang ‘user’ mismo ang unang nag-upload ng video sa YouTube.
Maaring maharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012 ang mapapatunayang nag-upload ng karumal-dumal na krimen sa video.
Samantala, wala pa namang kumakalat na ganitong mga DVD sa merkado sa Maynila na ibinebenta sa halagang P30 hanggang P100 ang isang kopya.
- Latest