Dahil sa dami ng reklamo MTPB chief nagsasagawa ng random surveillance
MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng sunud-sunod na reklamo laban sa mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), sinabi ni Director Carter Don Logica na nagsasagawa sila ng random surveillance sa kanilang mga tauhan.
Sa panayam kay Logica, sinabi nito na kailangan niyang gawin mismo ang random surveillance upang maaktuhan ang kanyang mga tauhan na kadalasang nairereklamo ng pangongotong sa mga motorista.
Ayon kay Logica, madali umanong itanggi ng mga traffic enforcer ang akusasyon ng mga motorista kaya’t nais niyang maranasan mismo na sitahin at kotongan ng mga traffic enforcer.
Sinabi ni Logica na bilin umano ni Manila Vice Mayor at traffic czar Isko Moreno na huwag makipagtransaksiyon sa mga traffic violator. Kung lumabag sa traffic rules, maaari itong tikitan at hindi dapat na makipagtawaran.
Maaari rin naman nilang pagbigyan at payuhan kung saan maaaring sabihin na sumunod sa traffic rules ng lungsod ng Maynila upang iwas huli sa susunod.
Binigyan-diin pa ni Logica na hindi nila kinukunsinti ang kanilang mga tauhan dahil nais niyang malinis ang kanilang hanay at maipatupad ng tama ang batas.
Samantala, tiniyak din ni Logica na maaaring magsumbong ang sinumang motorista laban sa mga traffic enforcer na mang-aabuso.
Aniya, bukas ang kanilang tanggapan gayundin ang OVM Complaint Desk para sa anumang mga reklamo.
- Latest