Ret. police arestado sa pagwawala, pagpapaputok ng baril
MANILA, Philippines – Kalaboso ang isang 53-anyos na retiradong pulis bunga ng walang habas na pagpapaputok ng baril, pagwawala at pangwawasak ng ilang gamit sa kanilang lugar, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ipinagharap na rin ng mga kasong illegal discharge of firearms, maliscious mischief, grave threat at paglabag sa Revised Ordinance No. 7940 (drunkard unbecoming conduct) sa Manila City Prosecutor si Magno Punzalan, residente ng #271 Makisig St., Bacood, Sta. Mesa, Manila.
Sa ulat ni SPO1 Jonathan Bacolod, naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi, malapit lamang sa bahay ng suspek.
Umuwi umanong lasing ang suspek sakay ng kanyang kotse at nagwala sa kanilang lugar. Nang pumalag ang mga tao at kukuyugin umano ito ay naglabas ng baril at ilang beses na nagpaputok bago umalis muli.
Nalaman umano ng mga residente na nagreklamo pala ito sa pulisya dahil may kasamang mobile nang siya ay magbalik sa kanilang lugar.
Subalit sa halip na maghanap ng aarestuhin ang mga pulis, siya mismo ang binitbit dahil ang narekober na slug ay nag-match sa bitbit nitong baril at siya ring itinurong responsable sa pagwawala at pagpapaputok ng kanyang mga kapitbahay.
- Latest