Ex-Marine grabe sa 7-oras na hostage-drama
MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang 56-anyos na dating sundalo ng Philippine Marines na naging pastor at trike driver matapos itong mabaril ng di-kilalang lalaki habang hino-hostage ang walo-katao kahapon ng umaga sa Pasay City.
Naisugod sa Pasay City General Hospital ang suspek na si Christopher Magsusay ng #2414 Canoy St., Barangay 132 sa naturang lungsod.
Si Magsusay ay tinamaan ng bala sa kaliwang dibdib at noo.
Kinilala naman ang walong hinostage na sina Rolando Balnido, 40; Jonnel Balnido, 37; ang tatlong anak na sina Jun, 7; Joyce, 5; Jollan, 3; dalawang anak ng kanilang kapitbahay na sina Princess Ashley, 3; Jello Bolonos, 1; at Jose Veloso, 19, ng #2154 Canoy Street.
Sa report na natanggap ni P/Senior Supt. Sidney Sultan Hernia, officer-in-charge ng Pasay City PNP, naganap ang insidente bandang alas-5:30 ng umaga kung saan pinasok ng suspek ang bahay ng pamilya Balnido at isinagawa ang pang-ho-hostage.
Gayon pa man, nakatakas ang mga biktima dahil nakatulog ang suspek matapos mapagod at mahilo.
Matapos ang pangho-hostage kaagad na inilagay sa ligtas na lugar ang mga biktima kung saan ang suspek naman ay dinala sa ospital dahil may tama ito ng bala sa dibdib at noo.
Inaalam pa ng pulisya ang responsable sa pamamaril sa suspek na kakasuhan ng pulisya.
Bago ang insidente, mainit ang ulo ng suspek nang umuwi kung saan nag-away pa sila ng kanyang misis na si Fe Magsusay.
Kaagad namang lumabas ng bahay ang misis para bumili ng pandesal kung saan nagpaputok ng baril ang kanyang mister hanggang sa maganap na ang pang-ho-hostage sa mga biktima.
- Latest