Salvage victim itinapon sa tulay
MANILA, Philippines – Isang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage na nakasilid sa garbage bag ang itinapon sa ilalim ng tulay sa Marikina City kahapon ng umaga.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na inilarawang nasa 25-30-anyos, may taas na 5’4’’-5’6’’, maganda ang pangangatawan nakasuot ng pulang sando, boxer short at may mga tattoo sa katawan.
Nakataling tila baboy ang mga kamay at paa ng lalaki, gamit ang isang electrical wire at nakabalot ng damit at duct tape ang mukha ng lalaki.
Batay sa impormasyong nakarating kay Insp. Edwin Malabanan, hepe ng Public Information Office ng Marikina City Police, ang bangkay ay nadiskubre ng magsasakang si Cesar Nebres dakong alas-5:00 ng madaling-araw sa ilalim ng Tumana Bridge sa Farmers 1, Bgy. Tumana, Marikina City.
Naglalakad aniya si Nebres sa lugar nang mapansin niya ang garbage bag. Na-curious aniya siya sa laman ng bag kaya’t nilapitan niya ito at binuksan ngunit nagulantang nang makitang bangkay ang nasa loob nito.
Kaagad namang ipinagbigay-alam ni Nebres sa mga awtoridad ang insidente. Nang siyasatin ng mga awtoridad natuklasang may mga tama ito ng bala ng di pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Naniniwala ang pulisya na pinatay sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa ilalim ng tulay para iligaw ang imbestigasyon.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung sino ang may kagagawan nito, gayundin ang motibo ng pagpatay.
- Latest